Escudero: May kasabihan sa Ingles, 'Put your money where your mouth is'. Kumpleto tayo sa batas kaugnay sa pagtulong sa mga kababayan nating may kapansanan, di lang binibigyan ng pansin, di lang nilalagyan ng pondo. Sa aking pong pananaw, may kapansanang pisikal man o wala, Pilipino paring dapat nating ituring kababayan natin at nangangailangan ng kalinga't atensiyon ng pamahalaan. May kapansanan man sa pampisikal na kaanyuhan, ang mas pandirihan natin ang may kapansanan sa isip, may kapansanan sa puso, walang pagmamahal at walang pagkalingang binibigay lalo na ang mga nakaupo sa pwesto ng kapangyarihan na di tinatatwa ang kanilang pagyaman sa kabila ng kahirapan na nasa paligid natin. Prioridad hindi lang sa edukasyon, pati sa pabahay, pati sa pangkalusugang serbisyo, pati na rin sa pagkakaroon ng trabaho at kawalan ng diskriminasyon sa mga kababayan nating may kapansanan. Ito ay dapat nating isulong at ipaglaban.
Tanong: Ano ang inyong opinion sa reproductive rights? Paano mo mabibigyan ng kalayaang magdesisyon ang mga kababaihan tungkol sa dami at timing ng anak, kung ang iyong malaking katunggali ay ang Simbahang Katoliko.
Escudero: Ako po ay tutol sa abortion at di papayag na makapasa ang ano mang uri ng batas na magpapahitulot sa ano mang paraan ng abortion. Subalit karapatan at obligasyon ng pamahalaan na ipagbigay alam sa bawat Pilipina, sa bawat lalake din, ang kanilang mga pwedeng pagpilian batay sa kanilang paniniwala, batay sa kanilang relihiyon. Right to information is an essential right.