SPEECH

39TH ANNIVERSARY CENTER FOR EDUCATIONAL MEASUREMENT

LOCATION: EDSA SHANGRI-LA MANILA

Paumanhin sa ating mga awardees dahil may hahabulin pa rin po ako pagkatapos at dahil babatiin ko nga sana kayo na isa sa pinaka-organisadong affair na pinuntahan ko. Organisado, planado at pinag-isipan. Organisado dahil nandito tayo sa napakagandang hotel na ito at pinag-isipan dahil pati ‘yung sequence ng picture taking ay nakaayos at alam talaga ninyo, ginagawa niyo ‘yung trophy ang binibigay niyo sa akin hindi ‘yung checke. Hindi naman lahat ng mambabatas ganoon, kayo naman.

Hayaan niyo simulan ko ang maikli kong talumpati sa pamamagitan ng pagbibigay ng isang kwento. Kung pamilyar kayo sana hayaan niyong tapusin ko pa rin ito para sa iba. Minsan may isang batang Grade 6 napuntang high school at nangarap na imbes naka-short pants siya palagi sa eskwelahan sabi niya, “Nanay gusto ko na mag long pants.” So, binili siya ng kanyang nanay ng long pants at ng sinukat niya, pag-uwi nung ina, nakita niya mahaba sa kanya ng sobra. So, sabi niya sa nanay niya, “Nay, pakiputulan kasi mahaba.” Sabi ng nanay niya, “Iho, sandali lang may niluto lang ako, kausapin mo ‘yung ate mo baka pwedeng siya na ang magputol.” Kinausap niya yung ate niya at pinaputulan, sabi ng kanyang ate, “May bisita pa ako, may dalaw pa ako, may nanliligaw pa ako, pag-alis niyan gagawin ko pasensya ka na.” Pinuntahan niya ‘yung kanyang lola na nag-totong-it o nag-ma-mahjong o kung anuman ang ginagawa, “Hihit lang ako pagkatapos nito gagawin ko yan.” Natulog sa sama ng loob ang bata dahil walang nag- asikaso sa kanyang pangangailangan. Habang tulog siya, pinutulan ng nanay ang pantalon. Pinutulan ng kanyang kapatid ang pantalon, at pinutulan ng kanyang lola ‘yung pantalon. Paggising niya may bago na naman siyang short pants.

Sa pamunuan ng CEM, sa pangunguna ni Father Salazar, sa ating mga awardees, sa iba pang panauhin, mga kapwa ko guro at bahagi ng education sector, isa pong maganda at pinagpalang umaga sa inyong lahat. Ginamit ko bilang panimula ang maikling kwentong ‘yun para bigyan pagpapahalaga ang pakikipag-usap at pag-uusap sa pagitan ng lahat ng sektor at stakeholder lalong lalo na sa larangan ng edukasyon.

Sa pagitan ng mga guro, sa pagitan ng mga estudyante, sa pagitan ng mga administrator, sa pagitan ng mga may-ari at sa pagitan ng private sector at gobyerno rin higit sa lahat. Nasa kalagitnaan na tayo ng yugto ng napakahalagang bahagi sa edukasyon at kasaysayan ng edukasyon sa ating bansa. For the first time in our history, government has been spending a lot on education and started looking at it seriously – investing serious money as well in education.

Hindi ko pa ito nakita sa labing-siyam na taon ko na paninilbihan bilang miyembro ng Kongreso. Halimbawa, sa darating na taon planong gumastos ng pamahalaan ng Php25-B dagdag para sa mga bagong teachers, humigit kumulang walumpu at 1,000 teachers para sa 2018 lamang. Dagdag sa kasalukuyang mga guro sa public school system, gagastos ang gobyerno ng kulang kulang Php130-B para magpagawa ng mahigit 47,000 bagong mga classroom. Ganyan din halos kalaki ang ginastos ng pamahalaan ngayong taong ito at marahil sa mga susunod pa na tatlo hanggang limang taon hanggang mahabol ang backlog na iyan.

Ipinasa ng pamahalaan ang K-12 kung saan binago, inoverhaul ang sistema ng primary at secondary education natin at nasa transition phase tayo ngayon. Ipinasa namin noong isang buwan lamang ang Free Tertiary Education Act na naglalayon maging libre lahat ng mga state universities and colleges upang maging open ang access ng sinumang gustong makapagtapos ng kolehiyo sa anumang pampublikong paaralan.

Tulad ng sinabi ko, nasa gitna tayo ng malalaking kaganapan sa larangan ng edukasyon at importante marahil pagtuunan natin ang mga susunod pang hamon na dapat nating kaharapin. Lahat ng binanggit ko, dagdag teacher, dagdag classroom. Libreng college, libreng secondary at primary education sa parte ng public school system. Lahat ito ina-address, tinutukoy at sinasagot ang probleman may kinalaman sa access to education. Hindi po nila tinutugunan pa ang problema at isyu patungkol sa quality education.

Iyan ang yugto na susunod na tutuunan ng pansin ng bawat isa. At binabati ko ang CEM, dahil kayo ay nangunguna at nauna na pagdating sa sektor at pagdating sa isyu at problemang ito. Kumbaga nandoon na kayo, papunta pa lamang kami sa gobyerno. At imbes na muli naming imbentuhin kung anong hugis ng gulong, ‘ika nga, marapat at dapat magkausap at magkaroon ng palitan ng pananaw upang matuto at mapag-aralan ng pamahalaan ang mga tama at wastong dapat gawin niya pagdating ng panahon na tumugon na kami sa problemang iyan ng quality education.

Yesterday, for example, there was an article that said, there was only one university that qualified in the top rank universities in the world. UP lang ang nakapasok; number 374 pa. Out of 100 points, it was given 30.6 points. Sa buong Pilipinas, isa lang ang nakapasok. Hindi ko alam kung kinikilala ‘yung ranking organization na iyon. Hindi ko alam kung kapani-paniwala ba iyong kanilang ranking o hindi. Pero para sa akin, panahon na para pagtuunan natin ng pansin, hindi lamang ang access to education, dahil kami nandoon pa lang kami sa totoo lang sa parte ng gobyerno, kundi sa kalidad ng edukasyon.

Kanina nung nagsasalita iyong ating awardees. Sa totoo lang, naiinggit ako. Dahil ang pinagsimulan ko rin ay pagtuturo sa public school system. Ang kauna-unahan kong trabaho bago po ako tumakbong miyembro ng Kongreso ay bilang teacher sa UP College of Law. At pagkatapos ng termino ko sa 2019, marahil ay iyon din ang babalikan ko. Dahil nami-miss at gusto ko po ‘yung binanggit kanina sa atin nung isa nating awardee. ‘Yung mukhang lumiliwanag sa loob ng classroom, na kapag may narinig, o nakita, o may parang binuksan kang kaisipan sa kanya. Wala hong katumbas o kapalit iyon.

At wala ring katumbas at kapalit kapag nagkita kami sa labas. Ipapakilala ako sa kanyang magulang o syota o asawa o anak na teacher ko ito. Hindi ho kayang suklian ng anumang sweldo, anuman parangal, anumang pagkilala at anumang pagkakataon. Iyong ganoong uri ng pakiramdam sa akin at para sa akin bilang isang teacher.

Kaya nais ko pong batiin, sa totoo lang, lahat kayo na nasa sektor ng edukasyon, lahat kayo na bahagi sa paghubog ng kalinangan at kaisipan ng ating mga kabataan. There are four elements of the state: people, territory, sovereignty, and government. Ang pinakamahalaga para sa akin doon ay people palagi. Kung nag-iinvest tayo sa kalye, nag-iinvest tayo sa tulay, sa tren, OK lang.

Pero dapat kailanman, huwag nating kalimutan, mag invest ng pera, panahon, at intensyon, ang pinakamahalagang elemento ng ating bansa, ng isang bansa – iyan ay ang ating mga kababayan. Iyan ay ang tao at higit sa lahat. Iyan ay ang kabataang Pilipino.

Darating ang panahon, tatanda din tayong lahat. Mas matanda pa kay Father. At iaasa natin ang pagpapatakbo ng ating pamahalaan, ang paggalaw ng ating buhay sa mga kabataan sa ngayon. Hindi ba marapat at dapat lamang bigyan natin sila ng angkop na kakayahan, angkop na kaalaman at kaisipan para magawa at gampanan ang tungkuling iyan para sa atin, sa ating pagtanda.

Once of the studies I have read only recently, it said that, the top ten jobs in demand today did not even exist 10 years ago. In fact, given the complications, we are experiencing in the world right now, these problems never came about before. What am I trying to say? We are actually teaching our students, to perform jobs that haven’t been invented while they were in school. We are actually training students, future leaders of this country, to resolve problems that didn’t even exist yet when they were studying. So, the challenge is how to equip them with the necessary skills and knowledge to be able to adapt, to answer these challenges today, and overcome these problems.

Iyon marahil ang hamon na ikinakaharap ng bawat isa sa atin sa silid na ito kung paano maibigay iyan sa ating mga kabataan. Kung paano matiyak na bawat estudyante na magtatapos ay hindi lamang diploma o kapiraso ng papel ang hawak, kundi sapat na kaalaman, at tapang para harapin ang anumang hamon na maaaring ibato sa kanya ng tadhana.

Nais ko pong magpasalamat, aabutin na kayo ng lunch, hindi naman masyado. Nais ko pong magpasalamat sa CEM, sa inyong imbitasyon. At nais ko pong batiin ang apat na awardees, gayundin ang lahat ng umabot sa semifinal. At gayundin pagbati sa CEM, dahil kayo ay nangunguna sa larangan ng pagtiyak na magkakaroon ng kalidad na edukasyon sa ating bansa. Kayo po ang susundan ng gobyerno at hindi po kayo ang susunod sa gobyerno, sa larangang iyan. At sana magkaroon tayo ng bukas na relasyon at pagtutulungan para makamit at makamtan natin ang minimithi nating bayan para sa ating mga kabataan. Sa muli po, maraming salamat at magandang umaga po sa inyong lahat. Thank you and good morning!