RADIO

DAMDAMING BAYAN

STATION: DZRH

ANCHOR: MILKY RIGONAN

MILKY RIGONAN (MR):  Makibalita nga tayo sa Senado.  Nasa linya natin, Senator Chiz Escudero.  Senator Chiz, magandang umaga!

SENATOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ):  Milky, magandang umaga sa iyo at sa ating mga listeners, magandang umaga sa inyong lahat.

MR:  Nai-submit na ba ni Tito Sen ang Senate resolution para imbestigahan itong kontrobersiya na umanoy ill-gotten wealth ni Chairman Bautista ng COMELEC?

CHIZ:  Wala akong duda na hindi siya magsa-submit o nag-submit na desidido siyang paimbestigahan ito, Milky.  Wala man kaming sesyon sa ngayon dahil sa ASEAN meeting, siguro pag-resume by that time, mafa-file na niya ‘yan.

MR:  Kung saka-sakaling tanggapin ito ni Senator Dick Gordon, chairman ng Blue Ribbon committee dapat bang imbestigahan ng Senado ang isyung ill-gotten wealth ni Chairman Bautista?

CHIZ:  Alam po ninyo, may karapatan ang bawat miyembro ng Senado na paimbestigahan anumang bagay bawang man ‘yan, si Andy Bautista man ‘yan, si Marcos man ‘yan. May karapatan na sumulong ng imbestigasyon tsaka wala akong nakikitang hadlang para imbestigahan ng Senado ‘yan dahil na rin sa narinig na pahayag halimbawa ni Senator (Franklin) Drilon na dapat tingnan muna kung may jurisdiction ang Senado dahil impeachable officer siya.  Milky, inimbestigahan ng Senado si Pangulong Estrada noon, later on na-impeach siya.  Inimbestigahan din si Vice President Binay.  Inimbestigahan din si Chief Justice (Renato) Corona maliban sa impeachment lahat ito ay impeachable officers.

MR:  So, ‘di mo tinatanggap yung katwiran ni Senate minority leader Franklin Drilon.  Ang sabi niya kasi kahapon, dapat hindi makialam ang Senado kasi kapag naikasa na ‘yung impeachment sa Kamara pupunta ‘yan sa Senado mag aaktong impeachment court ang Mataas na Kapulungan; hindi daw maganda na iimbestigahan siya  at the same time pagdating sa mga judge na mga Senador ay huhusgahaan ninyo itong kapalaran ni Chairman Bautista.

CHIZ:  Yes, tama po ‘yun.  Merong potential na (inaudible) pero ang tanong ko simple Milky, bakit hindi niya na-bring up ng mga kasamahan niya habang iniimbestigahan si Vice President Binay.  Kung hindi ako nagkakamali, siya pa nga yata ang Senate President noong panahong ‘yun.  So, bakit hindi ‘yan nabring up kung naimbestigahan si Pangulong Estrada, so marami nang nauna at hindi ito ang unang pagkakataon ng Senado na imbestigahan ang impeachable officers na (Inaudible) ng impeachment o hindi.

MR:  Meron bang pinoprotektahan itong si Senator Drilon kung saka-sakali, Senator Chiz?

CHIZ:  Kanya-kanyang panahon siguro talaga, Milky at ika nga pag pulitiko ka o nasa pulitika normal naman na may kakampi ka at may kalaban ka.

MR:  Kapag nagsimula ang imbestigasyon against Chairman Bautista sa alegasyon na ill-gotten wealth ang sabi niya ay mababahiran daw ang kredibilidad resulta ng 2016 Elections.

CHIZ: Para sa akin, hindi, Milky. Hiwalay na usapin ito dahil alalahanin natin ang COMELEC ay isang collegial body kumbaga parang Supreme Court.  Hindi naman kaya magpasa lamang ang pinuno nito, chief justice ng COMELEC chair.  Ang COMELEC tulad ng Korte Suprema nagde-decide ‘yan bilang isang collegial body, magbobotohan sila in fact ang boto ng chairman in fact hindi kinakailangan maliban na lamang kung may tie.

MR:  So, ang sabi nga naman ni Pangulong Rodrigo Duterte dito, Senator Chiz ay hindi naman daw kinakailangang ‘yun ang maging impression na mabahiran ‘yung resulta ng eleksyon dahil sa pagdating naman daw sa kaniya nakapanumpa na daw siya bilang pangulo ng bansa.

CHIZ: Hindi lang ‘yung, Milky, alalahanin natin nanilbihan din si Chairperson Bautista bilang PCGG chairman so kung ito’y uungkatin kung ill-gotten nga ito, kung talagang in-exploit ito tulad ng inaakusa ng kanyang asawa. Kailangan munang malaman o alamin kung saan galing dahil baka naman mamaya kung talagang ill-gotten ‘yan ay hindi naman bilang COMELEC chair kundi sa naunang posisyon niya sa gobyerno man o sa pribadong sektor, ligal man o hindi.

MR: So, anong mga ahensiya ang dapat mag-imbestiga rin dito? Syempre merong imbestigasyon halimbawa kung matutuloy ang Senado. Pero ang sinasabi mo dito bukod sa NBI, pwedeng makialam din ang AMLC, ang DOJ, ang BSP?

CHIZ: Kasama ang AMLC, Milky, pati Office of the Solicitor General, AMLC talaga. Ayon sa abogado ni Mrs. Bautista, ‘yun lang deposito ay ginawa daw na puro Php450, Php420, Php430,000. Ibig sabihin lahat mababasa threshold na Php500,000. Tila may (inaudible) na hindi na saklaw ng Anti-Money Laundering. At kung talagang ganyan kalalaki ang mga bank accounts na involved, dapat naman talaga siguro tingnan at suriin ng AMLC kung meron nga bang dahilan para ituring na iligal ang mga perang ‘yan. Kasama naman ang BSP dahil sabi ni Chairman Bautista deposito nila sa Rural Bank dahil kakilala daw nila ‘yung may-ari at may tiwala sila. Bakit? Wala ba silang tiwala? May account din naman siya sa BDO, may account din sa ibang bangko. Bakit doon nila nilagay yung malaking parte ng pera ng pamilya nila?

So, dapat siguro tingnan ng BSP to what extent nagamit if ever ang mga rural at local banks para magtago, kwestiyonable man o hindi ng yaman? Pangatlo, ang office of the Solicitor-General dahil sa ilalim ng batas, sinumang may unexplained wealth, sinumang may ill-gotten wealth, may karapatan ang gobyernong mag-file ng forfeiture case, ito civil case, hindi ito criminal hindi ito administrative. Civil case for forfeiture, para ma-confiscate ang mga ari-arian na ‘yan kung hindi mo maipaliwanag kung saan galing. ‘Yan ang buod ng ill-gotten o unexplained wealth law. Dapat maipaliwanag mo kung saan galing, kung hindi mo maipaliwanag puwes kukunin ng gobyerno ‘yan. Solicitor General ang may kapangyarihan gumawa niyan at maghain ng petisyon para dyan. Sa parte ng DOJ kasabay na ang NBI, ito’y naiutos na ni Pangulong Duterte.

MR: Tsaka dapat alam ni Chairman Bautista ‘yan dahil taga-PCGG siya noon, ‘di ba?

CHIZ: Oo, ang pangunahing batas na pinapatupad nila noon at ‘yung Forfeiture Law.

MR: Pero Senator Chiz, napapakinggan mo naman ‘yung abogado rin ng may-bahay ni Chairman Bautista, ang sinasabi dito ay yung ill-gotten wealth pero bakit sinasabi pa daw ni Atty. Lorna Kapunan ‘yung mga nai-surrender daw na mga alleged sex toys na meron pa daw latigo. Pwede pa ba ito? Meron pa ba itong bigat doon sa kaso?

CHIZ: Hindi ko alam. Hindi ko pa naririnig ‘yung anggulong ‘yon. Kung may Fifty Shades of Grey na anggulo. Hindi ko alam ‘yung anggulong ‘yon.

MR: May pagka-Fifty Shades of Grey daw ‘yung anggulo ‘yung kaso nitong si Chairman Bautista.

CHIZ: Hindi ko alam ‘yung anggulong ‘yon at marahil o maliban na lamang kung itinuturing na krimen ‘yan, pribado na ‘yon sa kanila siguro. Ang nais lamang natin matingnan kung saka-sakali ay ‘yung mga alegasyon ni Mrs Bautista na may kinalaman sa paglabag sa batas at sa Saligang-Batas.

MR: Ayan. Other issues naman tayo, mainit pa rin ang usapin ng Bureau of Customs at mahaba ‘yung mga ginagawang hearing ng Kamara. Sa tingin mo ba dapat pang hintayin ng Pangulo ang committee report ng Senado at Kongreso bago magdesisyon.  May panawagan kasi na magpatupad na ng major revamp sa Bureau of Customs.

CHIZ: Milky, iyon ang sinabi ni Pangulong Duterte noong nagkaharap-harap kami kasama ang iba pang Senador at ilang miyembro ng Kamara. Hihintayin muna daw niyang matapos ang imbestigasyon. Sa hinaba-haba ng imbestigasyon doon natuturo kaugnay ng korapsyon ang mga tauhan ni Commissioner (Nicanor) Faeldon. Pero, maliwanag na hindi niya alam ang kanyang ginagawa. Hindi alam ng mga tao niya ang kanilang ginagawa at incompetent ang mga opisyal na nasa Bureau of Customs. Sa ngayon, kung saan-saan pinulot at saan galing at ni walang karanasan. Kaya siguro nagkakagulo-gulo ang Customs ngayon. Hindi ako magugulat kung hindi lamang ito ang una at huli na pumasok na droga na kanilang nasabat nitong nakaraang mga buwan.

MR: Ang sakit naman ng statement na kung saan-saan pinulot, Senador Chiz.

CHIZ: Alam mo kasi, Milky, nagrereklamo siya na nakikialam daw ang ilang opisyal.

MR:  Mayroong mga sinasabi siya na mayroon daw mga congressman.

CHIZ: Hinamon ko siya na pangalanan niya kung sinong senador at congressman ang gumagawa niyan dahil hindi ko ginagawa iyan. Paano naman siya? Kinukuwestiyon niya ang pagpili at pagrekomenda ng kongresista. Paano siya saan niya kinuha ang mga tao niya? Porke’t Magdalo, porke’t kasama, Direktor na agad? Porke’t kakilala niya, porket kasamahan niya, intelligence head na kaagad? Hindi ko yata ma-gets iyon. Anong qualification ngayon ang ginamit niya? Na dati kitang kasamahan, na dati kang sundalo, diyan ka mapupuwesto malapit sa akin, ganoon? Hindi rin naman din yata tama iyon? Kahapon, pinanood ko ang malaking bahagi ng pagdinig at sa totoo lang na frustrate ako Milky dahil tila hindi nila nalalaman ang kanilang mga ginagawa o pinaggagagawa doon sa mga pwestong ibinigay sa kanila. At hindi ko alam kung may training, karanasan o kahit na seminar man lamang na in-attend-an ang mga pinunong pinili niya.

Ayan, Milky ang mga Director, Deputy Commissioner at iba’t- ibang mga pwesto pa. Kaya hindi na siguro kagulat-gulat kung bakit parang pinapaikot-ikot lamang sila ng mga smuggler. Pinapaikot-ikot lamang sila ng mga nagpapasok ng droga at iba pang ilegal na bagay. Dahil tila hindi nila alam at kanilang pinag-aaralan ang kanilang pinaggagawa.

MR: Maganda ang punto mo doon. Oo nga naman. Kasi ang hamon nga naman ng mga kongresista at mga senador tulad mo, pangalanan kung sino ang mga   mambabatas na ito na nag-e-exert ng kanilang impluwensiya diyan sa Bureau of Customs.

CHIZ: Actually, ang isa pang halimbawa, Milky, ito palang si Anderson ay galing pala sa isang malaking law firm na Villaraza na alam naman natin maraming galamay sa gitna ng pamahalaan.

MR: At maraming kliyente. Oo.

CHIZ: Maraming kliyente sa pamahalaan at maraming kliyente aba’y kinuha nila bigla at iniwanan ang malaking suweldo para magtrabaho para sa kanya. Napag-alaman na rin ng Kamara sa kanilang pagdinig, consultant lang pala kung saan nakalagay sa probisyon ng kanyang consultancy agreement ay ni hindi empleyado ng gobyerno at noong tinanong siya ng diretso, ‘ikaw ba ay nag-oath bilang empleyado ng gobyerno?’ Hindi daw. Dahil sa ilalim ng kontrata niya ay wala namang employee-employer relationship at hindi naman siya empleyado ng gobyerno. Ganoon kalawak na kapangyarihan ang ginagampanan niya. Pati pagpirma ng mga papeles na hindi naman pala public officer o employee. Ni hindi sumumpa na gagawin ang tama at ang lahat ng bagay at susunod at tatalima sa Saligang-Batas at batas. Hindi ko makita kung paano at bakit nangyayari iyong mga ganyang uri at klase ng pagpapasya.

MR: Senator Chiz, ipagpapatuloy ng Blue Ribbon Committee iyong imbestigasyon din dito sa Customs. Dapat nga ngayong araw na ito pero mayroong mga event dito sa may area ng CCP complex for the ASEAN. Ano ang mga bago pang itatanong ng senado na hindi pa naitatanong sa napakahabang hearing diyan sa Kamara?

CHIZ: Acutally, hindi ako nakapag-attend noong unang pagdinig. Mag-aattend pa lamang ako sa hearing na ito at kasalukuyan naming nirerebisa o binabasa ang mga dokumento na isinumite sa Senate committee. Ang napakinggan ko lamang ay ang sa Kamara. Marami namang katanungan ang nasagot at marahil ay ilang katanungan na lamang kaugnay sa, again, hindi lamang incompetence pati korapsyon kung saka sakali na binuksan ng Senado bago nagtapos ang unang pagdinig.

MR: On that note, Senator Chiz, magandang umaga. Salamat sa interview.

CHIZ: Maraming salamat din, Milky. At sa ating mga listeners, magandang umaga po.