SPEECH

CHED AT 23

LOCATION: UP DILIMAN, QUEZON CITY

Hayaan niyo simulan kong maikli kong mensahe sa pamamagitan ng pagsabi at pagsambit ng dalawang katotohanan at realidad.  Una, the top ten jobs in demand last year did not exist five years ago.  Pangalawa, ‘yung mga problemang kinakaharap natin ngayon ni hindi natin akalain o inaakalang magiging problema sa kasalukuyan o pangkasalukuyan dahil napakabigat ng mga suliranin na kinakaharap natin sa ngayon.  Sa ginagalang ng ating Chairman ng CHED, sa mga commissioners, gayundin sa buong pamilya ng CHED, sa mga bisita at mga miyembro at faculty ng iba’t ibang SUCs (state universities and colleges) na naririto ngayon, isang pong maganda at pinagpalang pagbati. Magandang umaga sa inyong lahat!

Tulad ng sinabi ko bilang panimula, ang pinaka-popular, ang pinakahinahanap na mga trabaho ng iba’t ibang kumpanya sa pribadong sector, ni hindi pa naiimbento five yers ago.  Ibig sabihin nun, tinuturuan natin ang ating kabataan para gampanan ang trabaho na hindi pa naiimbento habang sila ay nasa eskwelahan.  Tinuturuan natin sila na mga bagay-bagay sa pamamagitan ng iba’t ibang kurso para sagutin at hanapan ang solusyon sa mga problema na hindi pa natin alam ang magiging problema pagtanda nila o kapag sila ay tumanda.  Ang tanong, ano ang pwede at dapat nating gawin para mabigyan sila ng kinakailangang armas, kaalaman, at tulong para magampanan ang mga trabahong ito at para mahanapan ng solusyon ang mga problemang ito?

Sa dalawampu’t tatlong taon ng CHED, malayo na ang narating natin.  Marami ng nagawa ang CHED subalit patuloy pa rin ‘yung mga hamon at pagsubok na kinakaharap ng kabataang Pilipino at ng sektor ng edukasyon kaugnay sa marapat at dapat nating gawin at ibigay para sa kanila.  Pero bago ‘yung hamon.

Tanggapin po ninyo ang aking pagbati.  Congratulations sa buong CHED family sa napakaganda at napakalaking tulong at trabaho at gamapanan ninyo sa nagdaang dalawampu’t tatlong taon.  Palakpakan naman ninyo ang inyong mga sarili.

Subalit ganunpaman, marami pa tayong dapat at pwedeng gawin.  Sa mga pagpupulong namin at sa mga meetings ni Chairman Licuanan at iba’t ibang mga grupo at sektor mula sa edukasyon, nakikita’t nalalaman ko na napakaraming problema at gayundin hindi pagkakaunawaan dahil sa pagkakaiba ng mga opinyon. Lahat tayo, lahat kami gusto kung ano ang pinakamaganda para sa ating mga kabataan subalit nagkakaiba lamang tayo siguro ng mga pamamaraan kung paano makakamit ang nais nating mga mithiin at layunin para sa kanila. Hamon ito na dapat namin harapin. Hamon ito na dapat ninyong harapin upang matiyak na ang kanilang kapakanan ay pangunahin sa bawat gawain natin.

Halimbawa at sisimulan ko isang kontrobersiyal na isyu, curriculum ng atin pong mga kabataan. Debate ‘yan sa iba’t ibang unibersidad. Ano nga bang mga subject ang dapat na ituro para masagot ang dalawang problemang binanggit ko kanina, trabaho para sa kanila kapag sila’y nagsitapos, sapat na kaalaman at skill upang magampanan nila ang kanilang trabaho. Kasalukuyan itong pinagdedebatehan sa Senado. Kasalukuyan itong pinagdedebatehan sa CHED at bawat SUCs sa bansa.  Alin nga ba ang iiwan nating mga subject at alin nga ba ang tatanggalin natin? Madalas napupuna ako tungkol dito pero OK lang kasi ‘yun talaga ang paniniwala ko.

Halimbawa, trigonometry o Calculus, abugado na ako, nag-congressman ako ng siyam na taon, nag-senador na ako ng siyam na taon din, may dalawa akong anak, may asawa ako pangalawa na nga. Hanggang ngayon hindi ko pa nagagamit ‘yang trigonometry at Calculus na ‘yan. Muntik pa akong hindi maka-graduate dahil hindi ako halos pumasa-pasa sa dalawang subject na ‘yan. Ngayon, kung ikaw mage-engineer ka, kung ikaw magsa-scientist ka, ‘di sige kunin mo ‘yan. ‘Di sige, i-require natin. Buti pa ang geometry, nagamit ko sa bilyar. Pero ‘yung dalawang ‘yon, hanggang ngayon talaga hindi ko pa nagagamit. Hindi ko sinasabing dapat tanggalin pero dapat suriin dahil minsan sobrang bigat ng bag, sobrang daming kursong kailangang kunin ng ating kabataan.

Sa totoo lang, hindi rin naman nila nagagamit o magagamit para sa kanilang magiging trabaho o sa buhay nilang gagampanan bilang mamamayan o bilang mga Pilipino. Sana at dapat bawat kurso at alituntunin pinag-aaralan kung kinakailangan nga kada tatlong taon, kada limang taon dahil sa bilis ng ikot ng mundo marapat at dapat makasabay tayo at hindi tayo mapag-iwanan ng panahon. Asignatura lamang iyan at subject lamang iyan. Napakarami pang ibang bagay na alam ko kontrobersiyal na dapat pag-aralan, suriin at hanapan ng sagot  at solusyon. Subalit isa ang igagarantiya ko sa inyo, kaisa palagi ako sa paghahanap ng solusyon na iyan. Iyong mga magulang ko at alam ko si Ma’am Cathy at ‘yung mas matanda sa akin ng kaunti rito, inabutan ng subject ng GMRC. Tinanggal ang GMRC sinama-sama pa ang Calculus sa high school. Sana GMRC na lang, huwag na lang Calculus dahil mas importante para sa akin at marapat turuan natin ang ating mga kabataan at kababayan kung paano ang dapat mahalin ang ating bansa. Huli ko ng sinabi na iniibig ko ang bansa noong sinasambit ko pa ang Panatang Makabayan noong ako ay nasa high school.  Mula ng nag-graduate ako ng high school, hindi ko nasasambit pa ang panatang makabayan na ang unang linya ay iniibig ko ang Pilipinas. Kahit siguro kayo, kailan ninyo huling nasabi na iniibig ninyo ang Pilipinas? Hindi nga natin nasasabi. Gagawin pa kaya natin? Hindi man natin gawin at least maski papaano nasasabi man lang natin o nasasambit man lang.

Mas layunin ko, tiyakin na may malalim, totoo at ganap na pagmamahal ang mga ating kababayan para sa nag-iisa at bukod tangi nating bansa. Kaysa kung ano’t-ano pa man ang nais nating ituro sa kagustuhan na malaman lahat ng nalalaman natin. Dahil para sa akin, mas importante’t mahalaga na maging makabuluhan at may may pakinabang na mamamayan ang bawat magtatapos sa anumang lebel, sa anumang kurso, sa anumang paaralan, sa anumang SUC dito sa ating bansa.

Hindi ko nais pakumplikahin ang inyong umaga, nais ko lamang sabihin na may mga hamon at pagsubok pa tayong kakaharapin at hinaharap. Sa kabila ng dalawampu’t tatlong taong lumipas, napakarami pa rin isyu na dapat nating hanapan ng kasagutan at solusyon at sana maging bahagi ang bawat isa rito. Sana maging bukas ang isipan ng bawat isa rito kaugnay sa anumang pagbabago, kaugnay sa anumang mga dapat gawin dahil nalalaman at tinitiyak ko, kapakanan lang ng kabataang Pilipino, ‘yung mga mag-aaral, ang nasa isip at nasa puso natin sa trabahong ginagampanan natin dito man sa CHED o sa Senado man.

Karangalan ko po na makapiling at makasama kayo sa umagang ito. Buti na lang naging chairman ako ng Education at naalala akong imbitahan ni Ma’am Cathy. Dahil sa pagtatapos ng aking termino, ngayon lang ako marahil naging bahagi ng pagtitipon at anibersaryo, pagpupulong na ito at niyayakap ko ang pagkakataon na ‘yun. Pagkakataong makausap, makapiling, maibahagi ang aking nasa isip at gayundin maging parte ng pagdiriwang ninyo na ika-dalawampu’t tatlong anibersaryo ninyo. Sa muli, sa inyong lahat ang aking pagbati, maraming salamat po.