RADIO

KARAMBOLA

STATION: DWIZ

ANCHORS: JONATHAN DELA CRUZ, CONRAD BANAL, JOJO ROBLES

ANCHOR (A):  Makakapiling natin ngayon, walang iba kundi si Senator Chiz Escudero, Senator Chiz welcome po uli sa Karambola!

SENATOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ):  Congressman Jonat, Jojo, Jaymard at sa ating mga listeners, Magandang Umaga po sa inyo, good morning!

A:  Magandang umaga po!

A:  Magandang umaga po!

A:  Kumusta po ang ating puso?

CHIZ:  OK naman, malusog. (laughs)

A:  (laughs) I heart you kumbaga. (laughs)

A:  Senator Chiz, gaano kahalaga na ipagpaliban muna ang pakikialam kumabaga ng Senado dito kay Janet Lim Napoles hangga’t hindi pa nagagawa ng Department of Justice (DOJ) ang kanilang dapat gawin o nais gawin dito sa kaniyang kaso.

CHIZ:  Labing-siyam na taon na ako sa Kongreso at ang polisiya, prinsipyo at ugali ko talaga ay kung bigyan ng pagkakataon yung mga ahensiya na ang pangunahing trabaho ay mag-imbestiga, alamin kung ano ang katotohanan patungkol sa isang bagay bago panghimasukan ng Kongreso.  Para hindi doble-doble at hindi rin sayang ang trabaho.  Ako mismo binibigyan ng sapat ng panahon ang DOJ na gawin nila yung sinasabing iimbestigahan at walang pinapaboran nang walang pinoprotektahan, kapartido o kaibigan man o hindi ang lahat kaugnay sa isyung ito.

A:  Bakit parang merong kaagad na mga umuugong na ito’y ginagawa, itong pag-acquit kay Napoles sa mga usapin tungkol sa kaniya sa witness protection program, ito daw ay dahilan sa nais gibain ang kanilang political group – ‘yung partido po nila.  Ano ang tingin mo dun?

CHIZ:  Kung nanggagaling ‘yan mismo dun sa ika nga nagsasabing sila ang bibirahin na itong panibagong testimonya ni Gng. Napoles bahagi na lang siguro ng political positioning o posturing ‘yan ng magkabilang grupo.  Pero sa panig at parte ko nais ko makita totohanan, makatotohanan at walang kinikilingan o pinipiling imbestigasyon ng DOJ sa bagay na ito.  Ako po kasi ‘yung unang naghain ng resolusyon nuon para imbestigahan ito.  Sinundan na rin ito ng ibang senador at nagkaroon ng imbestigasyon.  Ang kabuuan sa aking pagkakaalala ang PDAF Scam ay Php14-B.  Php6-B lamang ang napunta sa mga Napoles NGOs.  Meron pa pong mas malaking balanseng Php8-B na hindi pa naman po naiimbestigahan talaga o nakikita kung sino ang mga salarin, may kagagawan na dapat managot sa bagay na iyon.

A:  Ang napakaganda po binanggit ninyo Senator Chiz sapagkat parang Kongreso ‘yung mga ibang mga kaibigan natin parang tingin nila imbestigador na rin sila kaagad.

CHIZ:  Hindi po.  Ang pangunahing imbestigador NBI (National Bureau of Investigation), hindi po kami NBI.

A:  Hindi naman po iyong kanilang ano, OK lang magkaroon ng imbestigasyon matapos makita rin kung ano ang ginawa at ang hindi ginawa ng mga ahensiyang dapat na mag-imbestiga talaga.

CHIZ:  Dadagdagan ko po kung may pagkukulang sila o kung may tinatago sila publiko at hindi sila bukas sa imbestigasyon nila.  May pagkakataon kasi ang Senado na mapunuan ang pagkukulang ng mga ahensiya o hindi man o ng Kongreso o hindi man maisapubliko ang mga bagay na ito. Sana maipagbigay-alam sa lahat at hindi iyong sinasabi ang resulta o pamamaraan ng imbestigasyon na ginagawa nila.

A:  Mukhang mali nga ho iyong tingin ng iba ng ating mga kaibigan sa check and balance.

A:  O iyong oversight.

A:  Oo, ‘yung oversight.  Antimano parang ang datingan sa kanila, sila kaagad ang sinisisi.

CHIZ:  Kaya nga oversight ang tawag kasi over madalas (inaudible).

A:  (laughs) Sa oversight na-overlooked.

CHIZ:  (laughs)

A:  Ang problema pag-over; gina-grab ho nila ang imbestigasyon, over na grab pa. (laughs)

A:  Ano ba ‘yan, libreng advertisement ba ‘yan, Jonat?

CHIZ:  (laughs)

A:  Pero ang pinakamagandang matanong din natin si Senator Chiz sapagkat kayo po ang chairman ngayon ng Committee on Education?

CHIZ:  Opo.

A:  Kasi ang napaka-importante po itong pinag-uusapan ngayon kasi panahon na naman ng pasukan.  Tinatanong po ng ating mga kababayan kung ano daw po ba talaga ang nangyayari dito sa sinasabing free tuition.  Ano ba daw ho talagang nangyayari?

CHIZ:  May panukalang batas po na pinasa na sa Senado na ‘Free College Tuition Fee’.  Meron po sa Kamara pero hindi pa po naaprubahan on third reading, so hindi pa po ganap na batas iyon.  Ngayon sa kabila nun, nung dumating ‘yung budget sa Senado nilagyan ng Senado ng Php8.3-B ‘yung budget para bayaran ‘yung tuition fee ng lahat ng estudyante sa lahat ng state colleges and universities.  At ito’y kinatigan at sinuportahan din ng Kamara noong nag bicameral conference committee.  So nandiyan na po ‘yang Php8.3-B na ‘yan.  ‘Yung Php300-M para po ‘yan sa mga kumukuha ng kursong medikal, sa mga state universities and colleges.  ‘Yung Php8-B para po sa lahat ng estudyante.  Sa veto message po ng Pangulo sa budget, nilimitahan niya at nilagyan niya ng direksyon ‘yung pwedeng paglaanan lamang ng Php8.3-B.  At base po sa veto message ng Pangulo nag-isyu po ng joint memorandum circular ang Commission on Higher Education (CHED) at ang Department of Budget and Management (DBM) kaugnay sa kung paano po ito maipapatupad.  Ang ginawa po nila, pinag-submit po nila yung mga state universities and colleges ng tuition fee income po nila sa nagdaang school year.  At dun po sina Chairman DBM kung magkano matatanggap na subsidiya mula dun sa Php8.3-B na kada state university and college para dito po sa incoming school year.

Meron lang pong guideline:  uunahin kung kulang yung pondo dahil nga nadagdagan ang enrollees.  Unahin kung kulang ‘yung pondo, yung beneficiaries ng Conditional Cash Transfer (CCT) bale ito ‘yung poorest of the poor.  Isusunod ‘yung bagaman hindi beneficiary ng CCT ay mapapatunayang kulang ang kakayanan maipag-aral ang kanilang mga anak.  At kung kasya pa ‘yung pondo lahat-lahat na ay iabsorb at iko-cover nung Php8.3-B.

A:  Senator, kasi kahapon nagsagawa kilos protesta yung mga ilang mga grupo ng mga mag-aaral.  At ang paratang nila ay scam daw ito.  Kasi ang feeling yata nila, hindi yata sila kumbinsido na ito ay continuing allocation at continuing program.  Kasi diba nagkaroon nga ng presidential dito, ‘Hoy, may pondo tayo dito. Saan natin ilalagay ito?’ Pero ang tanong dahil meron naman mga panukalang batas ngayon, kailan ba magiging continuing program itong free tuition sa mga state universities and colleges?

CHIZ:  Ang pagkakapasa po ng budget ng isang batas ay hindi din naman garantiya na magiging continuing program dahil napakarami po nating tinatawag na unfunded mandate.

A:  Yes.

CHIZ: Para sa akin, mas sigurado nga nasa budget kaysa magpasa ng batas although mas maliliwanag namin ‘yung polisiya kung may batas dahil sa pag nasa budget na ho iyan, mahirap na pong tanggalin at galawin.  Mahirap pong babaan o bawasan.  Pero ang panawagan sa ilan nating mga estudyanteng nagra-rally, sila naman, ngayon ng ginawa na namin naghahanap pa sila ng irereklamo baka naman hindi ito continuing.  (inaudible) nga ika nga ang benefit of the doubt na ito’y ipagpapatuloy at sisikapin naming gawin kada taon na.  Kung kailan namin ginawa; dun ba sila magra rally.  Sana naman (inaudible)

A: Sabi nga ni Jonat kasi magpapasukan na naman.  Kinakabahan lang siguro sila na baka ito na hanggang ngayon lang tapos sa susunod hindi na.

CHIZ:  Oo pero alam mo ang kung may manggagaling man siguro may concern dito ‘yung mga private schools kasi sabi nila baka maagawan kami ng estudyante.

A:  Tama, isa pa iyon.

CHIZ:  Wala bang tapik sa balikat na, ‘Salamat sa ngayong taon na sana next year ulit.’ Huwag naman sana na ganoon kaagad. (laughs)

A:  Nag ala-LP itong mga ito e. (laughs)

CHIZ:  (laughs)

A:  Wala ng ginawang mabuti.

A:  Memo na lang

A: Wala ng ginawang mabuti.  Alam mo, ang gusto ko ding itanong, kasi napadalang din nating makasama dito si Senator Chiz.  Sabi ko sa iyo, mali iyong Escudero natin dito.  For two generations na ang Karambola.

CHIZ:  Hindi ho, tama ho baka ho awayin ako nun. (laughs)

A:  Hindi joke lang ho yun, ‘Nay.  Si Tita Evie, gustong-gusto na rin makasama ‘pag Monday dahil may pili kami palagi. (laughs)

A:  Joke lang ‘yun, ‘Nay.

A: Pero hindi, gusto kong marinig kay Senator Chiz ‘yung anong gagawin ng Senado doon sa mababakanteng pwesto ni Senator Alan Peter Cayetano na ngayon ay nahirang na Department of Foreign Affairs Secretary.

CHIZ: Ng hindi ko po pinangungunahan ang mga kasamahan ko sa Senado. Kung pagbabasehan natin ay tradisyon, practice at nagdaang kasaysayan sa Senado sa mga nabakanteng pwesto. Kung kakaunti na lamang po iyong panahong nalalabi, hindi na po iyan pinupunuan sa pamamagitan ng pagtawag ng special election. Dahil napakagastos po nun, buong bansa ang mag eeleksyon para sa isang pwesto na lamang para sa nananatiling dalawang taon na lamang din. Kadalasan hindi na po iyan tinatawagan ng special election ng Kongreso, Senado man o ng House of Representatives. At hinihintay na lamang mag-lapse iyong term niya na matatapos naman po sa 2019.

A: Oho pero Senador ano po ba iyong nangyari noon noong kayo ho pa yata iyong nasa House po noon. Pero iyong nangyari noong 2001, hindi ba? Nakaupong senador si then Vice President Tito Guingona at nabawasan iyong bilang ng mga senador at sa pagkakatanda ko napasok noon si Senador Gringo Honasan pero pinagsilbihan niya lang iyong mga nalalabing termino ni Vice President Guingona.

CHIZ: Ang nangyari po kasi noon ang term ni Vice President Guingona ay hanggang 2004. In-appoint po siya ng 2001, nakalipas na tatlong taon. Ang ginawa po ng COMELEC imbes na, sabihing 12 lamang na senador, naging 13 ang pinroklama pero iyong pang labintatlo, para lamang punuan ang matatapos na termino ni Vice President Guingona na tatlong taon lamang.

A: Ayon ganoon nga ang nangyari noon.

A: Meron pang sina-cite na example, iyong nangyari kay Butch Abad kasi ang usap-usapan ngayon, si Senador Cayetano daw ay hindi bibitaw sa Senado hanggat hindi siya nako-confirm ng Commission on Appointments. Kasi parang ano, ang parang dating sa iba parang naniniguro si Senator Alan kasi baka ma-Butch Abad daw siya na inappoint as Agrarian Reform pero hindi naman na-confirm.

A: Pero kung si Senator Alan siguro baka ano na lang iyan acclamation. Oo.

CHIZ: Posible po iyan ang nangyari po kasi ayon po sa batas, kapag ikaw ay in-appoint ng pangulo, bilang kalihim. Habang naka-sesyon ang Kongreso hindi ka maaaring umupo. Pwede ka lamang umupo kapag in-appoint ka ng recess ang Kongreso, iisyuhan po siya ng itinatawag nating ad-interim appointment. Iyun pwede po siyang umupo pero hindi po niyang ganap na gampanan iyong tungkulin dahil hindi pa po siya nagre-resign. Siguro pwede siyang magpa-briefing mag kung ano. Kung mag-resign man po siya, acting pa rin siya hanggat hindi confirmed. May limitasyon pa rin po iyong kapangyarihan niya. Hindi po siya pwedeng magbigay ng permanent designation o pumirma ng mga voucher hanggat hindi po siya nako-confirm. Usually na-assign po iyon sa iba’t ibang mga undersecretaries. Tama po kayo sa kaso ni Congressman Abad dati, ni Secretary Abad nag-resign na po siya bilang miyembro ng Kongreso tapos hindi pa po siya na-confirm. Kinalabasan po niya hindi na siya secretary, hindi pa siya congressman. Per ‘yung ginawa po yata ni Congressman Villar, Secretary Villar, talagang nagbitiw si Congressman Villar para magampanan niya na iyong tungkulin. At least to a larger extent habang hindi pa siya nako-confirm naging full fledged na po siya.

A: Parang mali iyan. Mabuti naman at nabanggit iyan sir kasi ilang beses na naming tinalakay dito iyan. Iyong sistema ba na ad interim appointment, ikaw iyong pinuno ng ahensya. Well, for all intention and purposes pero hindi talaga makapirma ng mga (inaudible).

A: Limitado functions mo.

A: Iyong mga ganoon hindi ba pwedeng (inaudible).

CHIZ: Binibigyan po ng ngipin, ang punto po noon, binibigyan ng ngipin iyong poder, iyong check and balance at iyung sistema noong Commission on Appointments (CA). Dahil kung hindi po ang mangyayari ay appoint lang ng appoint po ang pangulo kada sesyon kada adjournment ng Senado o ng Kongreso at ng CA. At parang nangyari po kay Secretary Raul Gonzales. Na-confirm po siya pang walong taon na, nang dating Pangulong Arroyo. Kada taon, kada buwan, kada adjournment panay lang ang reappoint sa kanya ni Pangulong Arroyo. Sinubukan po naming magpasa ng batas ng three-strike rule. Kung saan kapag nireject ng tatlong ulit ay hindi na po pwedeng i-appoint pa ng pangulo. Pero siyempre, hindi po pumasa iyon at na-veto ng pangulo. Hindi po si Pangulong Duterte.

A: Iyong ano iyan previous administration, kay Pangulong Aquino, tatlo rin, to the last minute sila na-confirm. Secretary De Lima, Secretary Paje, tapos si Secretary Soliman. Pero ang dami, nagperform sila ng nag-perform, iyon ang mahirap doon. Para sa akin parang pwede mong kwestiyunin iyon papaano ba iyon?

A: Nagawa nila iyong trabaho nila sa loob ng anim ng taon pero hindi sila confirmed.

A: As a matter of fact iyan ang depensa ngayon ng kaibigan kong technical director natin na taga-Batangas.

A: Mali talaga iyong nangyari na iyon. Hindi dapat mangyari.

CHIZ: Well, pamamaraan po iyon para ikutan iyung check and balance ng Constitution sa pamamagitan ng CA. Kaya nga po sinubukan naming i-correct noon iyon kaya nga lang, siyempre ang pangulo, seryoso din sa kaniyang mga kapangyarihan, vineto po niya.

A: Pero ngayon po ba, noong ginawa ninyo kay Gina Lopez at kay Jun Yasay. Wala naman kayong ang deklarasyon ng pangulo ay hindi ko na kaya iyan. Hindi ko na saklaw.

A: Internal clause iyan ng CA.

A: Ang pinagbabasehan nitong inyong ipinapatupad na three-strike policy ay batas na ba talaga? O internal rule lang iyon?

CHIZ: Hindi po batas, internal rules. Hindi po ako miyembro ng CA, naging miyembro lang ako noon pero ngayon hindi po ako miyembro ng CA. Pero alam ninyo po noon kasi wala namang nire-reject. Kahit si Secretary Gonzales noon, si Secretary Soliman, Secretary Paje, Secretary De Lima; hindi naman po sila nireject. Bina-bypass lamang ng bina-bypass. Ngayon lamang po nangyari matapos ng mahabang panahon na may nire-reject po talagang nominee. Sa katauhan nga po ni Secretary Yasay at Secretary Lopez. Kapag ni-reject, maliwanag po yung batas. Rejected po siya sa posisyon na iyon. Pero walang pumipigil sa pangulo na inominate muli siya sa pagka-kalihim sa ibang departamento para isumite muli sa CA so wala pong prohibition ang Pangulo doon kung nais niya muling i-reappoint si Secretary Yasay o Secretary Lopez sa ibang pwesto naman, pero sa DFA at DENR hindi na po maaari. Hindi na po tatanggapin ‘yun ng CA.

A: Ganoon ang kalakaran ngayon.

A: So wala nang pag-asa si Chairman Francis Tolentino na makasama siya sa Senado?

CHIZ: Hindi po ganoon ‘yon, at sa mahabang naging desisyon na po ng Korte Suprema, hindi po pinapapasok yung panglabintatlo sa labindalawang senador, pang-anim sa limang bukal, o pangsiyam sa walong konsehal kapag may nangyari po sa isang incumbent. Maliban na lamang dahil nagprotesta po siya kung mawawagi niya ‘yung protesta niya.

A: Protesta ang magiging kapalaran niya.

CHIZ: Meron naman po siyang pending na protesta sa Supreme Court laban kay Senator De Lima kaugnay sa panglabindalawang pwesto.

A: Kapag may bakante lalo na’t kaunti na lang ‘yung term na natitira, most of the time talagang iniiwanan na lang na bakante.

CHIZ: Sayang po kasi ‘yung pera. Ang gastos ng COMELEC para sa nationwide elections ganoon din po. Ganoon din ang gastos sa presinto, bilang ng teachers, allowance ng teachers, pagkwenta ng balota, tapos yung isang pwesto lamang para sa dalawang taon. Supisiyente pa naman yung numero ng Senado para sa quorum at supisiyente parin naman po para magkaroon ng two-thirds kung saka-sakaling may kailangan kaming i-ratify.

A: Diyan po ba sa Senate, wala pa po bang naglilipatan sa LP. Kasi sa House, parang (inaudible).

CHIZ: (laughs) Wala pa naman po. Wala din may balak lumipat. Siguro kapag papalapit ng ang eleksiyon, posible po ‘yon.

A: May pahabol lang akong tanong Senador, kayo’y napaulat po na ang sabi po ninyo ay seryosohin po dapat ng gobyerno itong botohan ng mga member states ng United Nations (UN) tungkol dito sa diumano’y indictment sa human rights record ng Duterte administration. Bakit po ba ninyo nasabi ‘yon?

CHIZ: Hindi po ito dapat balewalain lamang dahil parang ordinaryong kaso lamang ‘yan kapag binalewala lang o akala mo maliit na bagay lamang at wala lang, hindi naman totoo. Minsan ‘yun pa ‘yung kasong tumutuloy at kinakalabasan ng pag-isyu ng warrant of arrest mo o pagkakakulong mo. Kaya dapat po seryosohin ito dahil may epekto po ito sa atin, hindi lamang kay Pangulong Duterte, hindi lamang sa kanyang administrasyon, sa ating lahat lalo na kung may sanctions na i-impose po ang world community sa ating bansa. Nalungkot lang ako dahil nung humarap ang mga Philippine representatives doon sa UN, nagbangayan ‘yung dalawang panel natin. Sa kabilang banda sa pangunguna ni Senator Cayetano, sa kabilang banda naman sa pangunguna ni Chairperson Gascon. Kahit po isa ako doon sa apatnapu’t pitong bansa, aba’y nagbabangayan itong dalawang ito, maiintriga talaga sila. Gusto talagang malaman kung ano ba talaga ang totoo at sino ba talaga ang nagsasabi ng totoo? ‘Yun siguro marahil ang naging basehan ng botong 45 out of 47 na bansa.

A: Dalawa lang ang bumoto sa atin nun, tayo at saka ‘yung Tsina.

CHIZ: Actually, ang Saudi Arabia pa ‘yung nag-abstain.

A: Ang ano naman doon, express concern.

A: Ano po ang dapat nating gawin Senador? Anong dapat nating gawin para seryosohin ito?

CHIZ: Ilang bagay. Una, sana si Chairperson (Chito) Gascon, mas maingay dito sa Pilipinas kaysa labas. Hindi ho yata tamang naghuhugas tayo ng maduming damit sa publiko kasi dito halos hindi naman siya humihirit, tapos sa labas masigasig na masigasig siya na parang siya ‘yung bida roon. Sana dito siya magreklamo at pagdating doon ay iisang posisyon na lamang ang pinapalabas ng bansa. Kumbaga, ginagawan namin ito ng paraan, kinikilala namin ito, nagpa-function ang human rights, binibigyan namin ng puna, at inaaksyunan ng gobyerno. Dito na lamang siya sana magreklamo at huwag doon, napakapangit po talagang tingnan at hindi ho maganda sa panlasa.

Pangalawa, sa parte naman po ng gobyerno, pinanawagan ko narin po ito noon. Sana po kung gaano sila kainit at kasigasig sa paghanap at pagtugis, paghuli sa mga involve sa droga ganoon din sana kainit at kasigasig pagdating sa paghuli at pagpapanagot doon sa mga nangaabuso sa pwesto at may kinalaman sa EJK. Pangunahin ko nang gagamiting halimbawa si Col. Marcos, ‘yun huling-huli na. Lahat ng ahensiya ng gobyerno nag-imbestiga sinabi na involve siya, mali ang ginawa niya pero tila may mga pagtatanggol pang lumalabas mula sa pamahalaan para sa kanya. Kung ginagawa lamang sana natin ‘yon, kung EJK lamang ang paguusapan, mas marami pang namatay pa sa nagdaang administrasyon sa EJK. Pero ang pagkakaiba, ito parang malamya at malamig pagdating sa paghabol at pagtugis at hindi kasing anghang ang salita na binibitawan laban sa mga pulis na gumagawa po nito na maaring involve sa droga din kaya po sila naglilinis ng kanilang mga ranggo.

Pangatlo, mag-iisang taon narin naman at medyo ika nga growing into office and the office is growing into President Duterte as well. Kumpara dati siguro hindi na kasing grabe ‘yung kanyang pananalita. Pero sana mabawasan pa ng kaunti yung mga maaanghang na pananalita dahil kung tayo nauunawaan natin sila o siya, ‘yung world community hindi po ganoon kadali at ganoon kabilis makaunawa lalo na iba naman po ‘yung pananalita kapag trinanslate po ‘yung sinabi niya, times 1,000 o times 100 na po yung lala nung kanyang sinasabi. ‘Yung kanyang mga kababayan sa Davao ay sanay na po sa kanya. Tayo ay unti-unti na rin nasasanay sa kanya pero ‘yung world community hindi naman po ‘yon maghihintay na masanay po sa kanya. Minsan may kaunting adjustment din na kailangan po tayong gawin mula sa panig natin para mas maunawaan tayo ng world community.

A: Kaya nga ho sinasabihan yung mga tumutulong kay Pangulong Duterte na gumawa ng mas malaking, kasi baka nahihirapan magbasa kaya papalitan na lang ng mura. (laughs)

CHIZ: Pero nais ko lang idagdag siguro, pagbabasehan ko na po si Secretary Abella ay magandang trabaho ang ginagawa dahil kung gaano kaanghang ang lumalabas na mga salita mula kay Pangulong Duterte, ganoon naman kahinahon si Secretary Abella sa kanyang paliwanag. Hindi nga lang madali ‘yung kanyang trabaho.

A: Iba talaga kapag pastor. Pero alam mo, ang observation ko lang doon sa mga sinabi, napakaganda ng mga suggestions. Itong si Senator Chiz, alam nito kung paano maging opposition. May suggestion lagi siya. ‘Yung pinag-uusapan natin kanina, kung pwede dagdagan niyo na lang ‘yung suggestion niyo kay Gascon na wala namang boboto sa kanya sa Senado sa labas ng bansa. Dito siya magtrabaho.

A: Maganda ‘yung mga binabanggit ni Senator Chiz at sana palagi siyang nakaka-merienda ni Senator Kiko Pangilinan para ‘yung mga solusyon ang ibinibigay hindi ‘yung mga (inaudible).

A: Oo, ang hanapin natin ‘yung search for truth, hindi ‘yung papatayin pala ang LP. Hindi ‘yung mga ganoon. Sir, kausapin niyo naman ‘yun sa Senate lounge kung minsan. Kiko, medyo alanganin. (laughs)

CHIZ: (laughs) Well, kailangan din natin maunawaan kung saan nanggagaling si Senator Kiko dahil kung hindi ako nagkakamali ay siya ang kasalukuyang tumatayo o nakaupong pangulo ng Liberal Party. So, syempre intindihin na lamang natin at kailangan niyang itayo ang bandera, ika nga ang dilaw na bandera ng Liberal Party.

A: Alam mo kung saan nanggagaling si Senator Kiko? Alam ko nanggaling siya sa Crame kaya ganyan mag-isip ‘yan.

CHIZ: Hindi ho ako magkokomentaryo doon.

A: Huwag natin idamay si Senator Chiz sa ganyan. Kay Chito Gascon na lang. Chito, ang advice ng ating technical director at pinapakinggan na si Senator Chiz. Dito ka mangampanya hindi doon, ‘yung boto sa Senado, hindi mo makukuha sa ibang bansa. Maraming salamat, Senator Chiz. Always a pleasure having you in this show.

CHIZ: Maraming salamat din po at sa muli magandang umaga po sa inyo. Good morning!